BULKANG TAAL

Advisory

12 Agosto 2022

 

TAAL VOLCANO ADVISORY

12 Agosto 2022

9:30 ng Umaga 

 

Ito ay paunawa ukol sa pagtaas ng binubugang volcanic SO2 ng Bulkang Taal.

 

Nagbuga ang Taal Main Crater ng 13,572 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas kahapon na nagdulot ng volcanic smog o vog sa kalakhang Taal Caldera. Itinatayang maiihip ang ibinugang volcanic gas sa himpapawid patungong silangan hanggang hilagang hilagang-kanluran batay sa datos ng air parcel trajectory ng DOST-PAGASA. Ang average SO2 flux mula 15 Hulyo 2022 ay pumapatak sa 7,818 tonelada kada araw, na may pagtaas mula sa average na 1,289 tonelada kada araw mula Mayo hanggang 15 Hulyo 2022. Simula pa nitong umpisa ng Agosto, nagkaroon ng pagsigabo ng degassing na may kapansin-pansing upwelling sa lawa ng Taal Main Crater at pagbuga ng makapal na usok dito na kagabi ay tumayog ng 2,800 metro sa ibabaw ng TVI. Nabalot din ng volcanic smog o vog ang kanlurang bahagi ng Taal Caldera kahapon na may kasamang pagkapal mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon at nagdulot ng masangsang na amoy ng asupre sa Banyaga, Agoncillo; Poblacion 5, Boso-boso, at Gulod, Laurel; at Poblacion, Talisay. May naulat din na pagtuyot ng pananim sa Cabuyao, Laguna na malamang ay sanhi ng acid rain. Nakapagtala naman ng limang (5) volcanic tremor events na tumagal nang 3 hanggang 8 minuto sa nakalipas na araw ng pagmamanman.

 

Bilang paalala, ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at nakakairita ng mata, lalamunan at respiratory tract depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkalanghap nito. Ang mga taong sadyang mas maselan sa masamang epekto ng vog ay ang mga may karamdaman gaya ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis, at mga bata. Sa mga pamayanan na nakararanas ng vog, mangyaring tandaan ang mga sumusunod:

 

  1. Bawasan ang pagkakalantad o exposure sa vog. Iwasan ang mga gawaing panlabas o manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang mga bintana at pintuan upang maiwasang makapasok ang vog sa loob ng bahay.
  2. Protektahan ang sarili. Gumamit ng nararapat na N95 face mask o gas mask. Uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga. Kung kabilang sa mga maselan sa vog, siguraduhing subaybayan ang inyong kalagayan at agarang magpatingin sa doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan, lalo na kung may malalang epekto na nararanasan.

 

Dagdag dito, ang acid rain ay maaaring malikha kapag may pag-ulan sa gawi kung saan naiihip ang plume alinsabay ng pagbuga ng mataas na sukat ng volcanic gas. Ito ay maaaring magdulot ng sira sa pananim at makaapekto sa metal na bubungan ng mga bahay at gusali.

 

Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang wala sa normal na kalagayan ang bulkan at hindi pa lumilipas ang aktibidad o ang banta ng pagputok nito. Kung magkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters, maaaring itaas muli ang antas ng alerto sa Alert Level 2. Sa kabilang dako, kung manumbalik sa baseline na antas ang mga monitoring parameters matapos ang sapat na panahon ng pagmamanman, maaari namang ibaba ang antas ng alerto sa Alert Level 0. Sa kasalukuyang Alert Level 1, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas sa kapaligiran ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent  Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan at ang pagpalakas ng paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para kung sakaling magbago ang kalagayan ng bulkan. Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa paggalaw ng lupa na nagkaroon ng bitak (fissure), maaaring pag-ulan ng abo at mahihinang lindol. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay hinihimok na magpayo sa mga piloto na huwag lumipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng bato o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid.

 

Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang ipababatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

 

 

DOST-PHIVOLCS