BULKANG TAAL
Advisory
02 Hunyo 2023
ADVISORY PARA SA BULKANG TAAL
2 Hunyo 2023
7:00 ng gabi
Ito ay paunawa ukol sa nagaganap na mababang aktibidad sa Bulkang Taal.
Mula 6:35 kaninang umaga, 2 Hunyo 2023, isang mahina’t mababaw ngunit tuloy-tuloy na volcanic tremor mula sa Daang Kastila fissure ang naitatala ng lahat ng 15 seismic stations ng Taal Volcano Network. Ito ay alinsabay sa pag-init ng hilagang bahagi ng, at pag-usbong ng mainit na volcanic fluids sa, Taal Main Crater na nakalap ng mga camera sa paligid nito. Nagkaroon muna ng pagtaas ng pagbuga ng SO2 sa nakalipas na dalawang linggo batay sa pagtaas sa 5,360 tonelada kada araw ng average na sukat noong 22 Mayo–1 Hunyo 2023 mula sa hindi hihigit sa 3,000 tonelada kada araw noong 1 Abril–21 Mayo 2023. Kaakibat nito ang kapansin-pansing pamamaga ng timog-kanlurang bahagi ng Volcano Island mula noong ika-apat na linggo ng Mayo 2023 kasunod ang matagal na pag-impis nito. Ang mga batayang ito ay nagsasaad na mayroong mababaw na hydrothermal activity na dulot ng isang panibagong yugto ng pagbubuga ng magma sa ilalim ng bulkan.
Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang wala sa normal na kalagayan ang bulkan at hindi pa lumilipas ang aktibidad o ang banta ng pagputok nito. Kung magkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters, maaaring itaas muli ang antas ng alerto sa Alert Level 2. Sa kabilang dako, kung manumbalik sa baseline na antas ang mga monitoring parameters matapos ang sapat na panahon ng pagmamanman, maaari namang ibaba ang antas ng alerto sa Alert Level 0. Sa kasalukuyang Alert Level 1, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pagipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas sa kapaligiran ng Taal Volcano Island o TVI. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan at ang pagpalakas ng paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para kung sakaling magbago ang kalagayan ng bulkan. Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa paggalaw ng lupa na nagkaroon ng bitak (fissure), maaaring pag-ulan ng abo at mahihinang lindol. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay hinihimok na magpayo sa mga piloto na huwag lumipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng bato o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid.
Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang ipababatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS