BULKANG TAAL
Advisory
11 Hulyo 2024
TAAL VOLCANO ADVISORY
11 Hulyo 2024
Ika-06:00 ng gabi
Ito ay paunawa ukol sa pagtaas at patuloy na pagbuga ng volcanic SO2 ng Bulkang Taal.
Nagbuga ang Taal Main Crater ng 11,745 tonelada/araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas ngayong araw, 11 Hulyo 2024. Batay sa mga visual monitor, nagsingaw ng katamtaman hanggang makakapal na plume na umabot ng 2,400 metrong taas mula sa Main Crater bago napadpad sa kagawiang kanluran. Ang Taal ay nagbuga na ng may average na 7,777 tonelada/araw na SO2 nitong taong at walang-patid na nagbubuga nito simula pa noong 2021. Ayon sa PAGASA, inaasahan ang posibleng paghina ng hangin sa mga susunod na araw na maaring humantong sa pag-ipon ng SO2 at pamumuo ng volcanic smog o vog sa kalakhang Taal. Ang matagal na pagkakalantad sa volcanic SO2 ay maaring magdulot ng pangangati ng mga mata, lalamunan at respiratory tract. May mga taong sadyang mas maselan sa masamang epekto nito kabilang ang mga may karamdaman gaya ng hika, sakit sa baga’t puso, mga matatanda, mga buntis at mga bata. Sa mga pamayanan na maaaring maapektuhan ng volcanic SO2, mangyaring tandaan ang mga sumusunod:
Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang aktibidad ang bulkan at hindi pa lumilipas ang banta ng pagputok at ng mga kaakibat na volcanic hazards nito. Sa Alert Level 1, maaaring maganap ang biglaang steam-driven o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas sa kapaligiran ng Taal Volcano Island o TVI. Ang pagbuga ng mataas na sukat ng volcanic SO2 ay patuloy na nagbabanta ng masamang epekto sa kalusugan ng mga komunidad sa paligid ng Taal Caldera na madalas na nakakasagap ng volcanic gas. Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na subaybayan at suriin ang exposure ng kanilang mga pamayanan sa volcanic SO2 at ang maaring maging epekto nito upang makapagsagawa ng karampatang lunas sa mga panganib nito sa kanilang mga mamamayan.
Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at agarang ipababatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.
DOST-PHIVOLCS